Inihayag ng isang opisyal ng non-government organization na tumutulong sa overseas Filipino workers, na marami sa mga Pinay na "domestic worker" sa abroad ang may magandang pinag-aralan.
Ayon kay Ellen Sana, executive director ng Center for Migrant Advocacy, noong 2019, mahigit 50% ng mga Filipino na nagtrabaho sa ibang bansa ay mga babae.
Sa nasabing bilang, 62% umano ng mga naturang babae ang naging domestic work o kasambahay.
"Samantalang ang taas-taas ng kanilang educational profile compare to the male workers," sabi ni Sana sa segment na "Bawal Jugdmental" ng "Eat Bulaga."
Inayunan naman ito ng EB dabarkdas na si Allan K na nagsabing, "'Yon nga eh, mga teacher, mga nurses pagdating dun ginagawang DH (domestic helper)."
Itinama naman ni Sana si Allan K na sa halip na tawaging domestic helper ay "domestic worker" ang dapat na ilarawan ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa abroad bilang kasambahay.
Ayon kay Sana, nasa 35,000 hanggang 75,000 ang mga Pinoy na nagiging OFWs noong 1970s. Pero pagsapit ng 2006, lumobo ang bilang ng mga umaalis sa isang milyon.
"Ten years (2016) later dalawang milyon na. Bumaba lang nitong nagpandemiya. Kitang-kita mo yung vulnerability ng mga OFW kasi marami sa kanila ang nasa low wage occupation lalo na yung ating mga kababaihan," paliwanag niya.
Bagaman malaki ang naitutulong ng mga NGO sa mga nagigipit na OFWs, kinikilala ni Sana na hindi sila magtatagumpay sa pagtulong kung wala ang mga ahensiya ng gobyerno at pribadong sektor.
Aniya, tungkulin ng NGO na matiyak na mailagay sa agenda ng pamahalaan ang mga kaso ng OFW na kailangang tulungan.
Ginawang halimbawa ni Sana na kabilang sa matagumpay na natulungan nila, at ng pamahalaan at ng pribadong sektor, ay ang isang OFW na nakaligtas sa death row noon sa Saudi Arabia.
Nabigyan ng pardon at nakauwi ang naturang OFW matapos na magbayad ng blood money sa tulong mga tao at maging ng isang opisyal sa KSA.
Ikinatuwa rin ni Sana ang pagkakaalis ng "training program" sa South Korea, na pinagtatrabaho ang mga Pinoy bilang trainee kung saan naabuso ang mga manggagawang Pinoy.
Aniya, pinapasahod doon ang mga Pinoy na bilang sahod ng trainee gayung ang output o produksiyon ng trabaho ay pangregular na manggagawa.
"The good with that sa Korea na-abolished na 'yan. It was declared unconstitutional. Kaya mayroon na tayong bilateral agreement with Korea," ani Sana. --FRJ, GMA News