Imo-monitor umano ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga paliparan para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na ma-i-stranded dahil sa two-week flight ban na ipinatupad ng Hong Kong bilang pag-iingat sa COVID-19.
Sa Laging Handa briefing nitong Huwebes, sinabi ni OWWA Administrator Hans Cacdac, na partikular sa mga aalalayan nila ang mga Balik-Manggagawa o returning OFWs. Tutulong naman daw ang mga recruitment agency sa kanilang mga stranded na manggagawa.
“Kung wala silang matutuluyan dito sa Maynila, kung taga-probinsya sila, taga-ibang regions, ay tutulungan natin sila magkaroon ng shelter, of course food and accommodation,” ani Cacdac.
“Assistance na rin, ‘yung transport from the airport to kung sa’n man nila gustong magpahatid,” dagdag pa niya.
Inanunsyo ng Hong Kong ang ban sa incoming flights mula sa walong bansa, kabilang ang Pilipinas mula January 8 hanggang 21, 2022, bilang pag-iingat sa panibagong pagdami ng kaso ng COVID-19.
Naniniwala naman si Cacdac na pansamantala lang ang epekto nito sa mga OFW.
Base umano sa ulat ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), ang mga land-based OFWs ang pinakaapektado ng pandemic pagdating sa deployment.
Ang mga sea-based OFW ay halos malapit na umanong maabot ang pre-pandemic level ng deployment.
“Talagang masama pa rin ang sitwasyon in terms of deployment ng land-based workers. Bumagsak pa rin ang deployment. However, sa sea-based, halos pumapantay sa pre-COVID levels ‘yung deployment,” ayon sa opisyal.
Bukod sa mga seafarer, mataas din ang pangangailangan sa mga manggagawa sa sektor healthcare, logistics o transport of essential goods, manufacturing, engineering and architecture, at information technology.
“Kailangan siguraduhin lang po na dumaan sa lisensyadong recruitment agency na nakatala sa POEA at mismong foreign employer dapat accredited din under POEA records,” ayon kay Cacdac.— FRJ, GMA News