Halos bumalik na pre-COVID-19 pandemic level ang bilang ng mga overseas Filipino workers (OFW) na umuuwi sa Pilipinas para magdiwang ng Pasko, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sa Laging Handa briefing nitong Huwebes, sinabi ni OWWA Administrator Hans Cacdac, na indikasyon ito na maayos na muli ang kalagayan ng buhay at trabaho ng mga OFW sa abroad sa harap pa rin ng nararanasang COVID-19 pandemic.
"This December, the number of OFWs going home for Christmas vacation is not so different from pre-pandemic level since economic life has resumed abroad," anang opisyal.
"I was in a conference in Dubai recently with [Labor] Secretary [Silvestre] Bello [III], and it is almost back to normal there and our OFWs are back to work unlike in 2020 that the number of OFWs who returned for Christmas had a huge drop. Now, it is around 80,000 to 100,000 which is near pre-pandemic level," patuloy niya.
Nasa 15 bansa ang inilagay ng Pilipinas sa "red list" o mataas ang peligro ng hawahan kasunod ng pagsulpot ng panibagong coronavirus variant na Omicron.
Hindi papayagan na makapasok sa Pilipinas ang mga bibiyahe na mula sa mga bansa red list sa itinakdang panahon. Maliban na lamang sa mga Pinoy o OFWs na makakasakay sa isasagawang repatriation flights ng pamahalaan.
Ang 15 bansa ay binubuo ng France, Austria, Czech Republic, Hungary, The Netherlands, Switzerland, Belgium, Italy, South Africa, Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini, at Mozambique.—FRJ, GMA News