Inihayag ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na makikipag-ugnayan sila sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya para hikayatin ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na magpa-booster shots laban sa COVID-19.
Sa panayam ng GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabi ni POEA administrator Bernard Olalia, na maglalabas sila ng abiso para ipaalam sa mga OFW na hindi pa nakakaalis na maaari na silang magpa-booster shots.
Una rito, pinayagan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) nitong Sabado na mabigyan ng booster shots ang mga fully vaccinated OFWs, apat na buwan bago sila umalis ng bansa.
Ipinaliwanag ni National Task Force (NTF) spokesperson Retired Maj. Gen. Restituto Padilla, na kasama sa A1 category ang mga OFW bilang mga "economic frontliners."
Nagsimula ang pagbibigay ng COVID-19 booster doses sa bansa sa mga fully vaccinated healthcare workers noong November 17.
Ayon kay Olalia, kasama sa mga prayoridad na mabigyan ng bakuna ang OFWs sa mga vaccination site. Kailangan lamang nilang magpatala at dalhin ang Overseas Employment Certificate (OEC).
“Kinakailangan na magrehistro sila kasi may mga proseso ‘yan para maisama po kayo doon sa araw ng vaccination. Makikipag-coordinate lamang ‘yung ahensiya, ‘yung kanilang deploying agency, at sila ay tutulungan na ng LGUs,” sabi ng opisyal.
Inihayag din ni Olalia na ang land-based OFW na nakaalis na ay maaaring magpa-booster shot sa bansa na kinaroroonan nila dahil tumatagal ng higit dalawang taon ang karaniwan nilang kontrata.
Samantalang ang mga sea-based OFW na karaniwang nasa 3 hanggang 9-na buwan ang kontrata ay maaaring magpa-booster shots pag-uwi nila sa Pilipinas.--FRJ, GMA News