Inihayag ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na babayaran ng Saudi Arabia ang utang sa sahod ng mga overseas Filipino workers na umaabot sa P4.6 bilyon.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing inaasahan ni Bello na sa darating na Disyembre ay mababayaran ng KSA ang naturang utang sa may 9,000 OFWs.
Kahit nakauwi na sa Pilipinas ang OFWs na hindi pinasahod ng kanilang mga amo, matatanggap pa rin nila ang pera na ibabayad ng KSA.
Sa Disyembre nakatakdang pumunta sa Pilipinas si KSA Labor Minister Ahmed al-Rajhi.
“The unpaid salaries of our OFWs can be settled just in time for Christmas,” ani Bello.
Naresolba ang sigalot tungkol sa sahod ng hindi nababayaran matapos na makipagpulong si Bello sa mga opisyal sa KSA noong nakaraang linggo.
Kasama sa napag-usapan ang pag-alis sa ban sa Arab mega recruitment agencies na sinasabing responsable sa deployment ng mga OFW na hindi binayaran ang sahod at mga benepisyo.
Una rito, sinabi ni Bello na hihilingin niya kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng deployment ban sa Saudi Arabia kung hindi mareresolba ang usapin sa mga sahod ng mga OFWs na hindi ibinigay.--FRJ, GMA News