Hinangaan sa Denmark ang pagsasayaw ng "Singkil" ng mga ginawang Lego characters na naka-costume pa.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing ang kakaibang presentasyon ay ginawa para sa ika-75 taong anibersaryo ng bilateral relation ng Denmark at Pilipinas.

Ginanap ang okasyon sa embahada ng Pilipinas sa Denmark, at ang dancing Lego characters ay ginawa naman ng Pinoy na si Lee Magpili.

Detalyado ang bawat karakter ng Lego toys na nakasuot pa ng costume at pati na rin ang mga props.

Napag-alaman na si Magpili na isang senior model designer sa The Lego Group sa The Netherlands, at isa ring cultural dancer, na nakapagsayaw na ng singkil noon.

Ang mga karakter na kasama sa pagsasayaw ng singkol ay mga original Lego bricks, na hinaluan ng pasadyang lego materials na idinisenyo ni Magpili, na tubong-Baguio City.

Gumamit si Lee ng robotics at monitors na konektado sa application sa computer para makasabay sa tugtog ang mga Lego characters.

Ayon embahada ng Pilipinas doon, dahil kilala ang Lego sa buong mundo kaya ito ang naisip nilang pasukan ng kulturang tatak Pinoy.

Ikinatuwa naman ni Ambassador Leo Herrera Lim, ang ginawa ni Magpili na maipagmamalaki umano ng mga Filipino. --FRJ, GMA News