Labis na kasiyahan ang nadama ng isang ina na nagpakahirap magtrabaho sa ibang bansa nang sa kaniyang pag-uwi ay sopresahin siya ng kaniyang mister at mga anak ng P300,000 na inipon mula sa ipinapadala niyang pera.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing sinimulan ni Rogelio Fortes ng Agoo, La Union na mag-ipon nang mag-OFW ang kaniyang kabiyak na si Rodelyn.
Ang ipinapadalang pera ni Rodelyn, hindi ginagastos at kung minsan ay dinadagdagan pa ni Rogelio kapag itinabi na.
Kaya nang umuwi si Rodelyn mula sa Kuwait, sinorpresa siya ng kaniyang mag-aama ng mga naipong bande-baldeng perang papel at barya.
"Ang ginawa ko para makatulong ako sa asawa ko, nagpursige akong mag-ipon. Lahat ng ipinapadala ng misis ko imbes na bawasan ko dinadagdagan ko pa kasi nga nag- store ako," anang mister.
Dahil sa ipon, naipaayos nila ang kanilang bahay at nakabili ng sidecar at motorsiklo.
"Hindi ko lubos maisip na ganun yung maiipon niya kasi magkano lang naman yung sahod ko doon sa Kuwait saka sa Malaysia," ayon kay Rodelyn.
Proud din ang mag-asawa dahil naituro nila sa kanilang mga anak ang kahalagahan ng pag-iipon.--FRJ, GMA News