Labis na pinakikinabangan ng isang Pinay vlogger at ng kaniyang pamilya ang mga itinapon nang pagkain dahil sa kaniyang "dumpster diving" sa Florida, USA. Ang YouTuber, nakatitipid ng $1,500 o higit P75,000 sa mga gastusin sa isang buwan.
Sa "Brigada" report ni Saleema Refran, itinampok ang kuwento ni Rona Meloche o mas kilala bilang si Inday Roning.
Ilan lamang sa mga niluluto ni Inday Roning na tulad ng pasta with meatballs, roasted vegetables, at beef steak with onions, ay nakukuha niya hindi sa supermarket kundi sa mga dumpster o "basurahan."
Nagsimula si Rona sa kaniyang dumpster diving ngayong taon nang minsang makita niya sa dumpster na marami pang mga bagay o pagkain na maaari pang pakinabangan.
"Never po kaming nabokya sa pamamasura namin. Sobrang dami po talaga, hindi ko mabilang, thousands of dollars talaga 'yung mga wasted foods, mga gamit dito," sabi ni Inday Roning.
"Sobrang daming mga prutas, mga gulay, mga itlog, hindi lang po sa mga pagkain kundi sa mga gamit po," dagdag ni Rona.
Matapos kunin sa basurahan, iniuuwi niya ito. Ayon kay Rona, hindi pa sila nakapagdala ng mga sirang pagkain dahil sinisiguro nilang nakabalot o hindi pa nabubuksan ang pagkaing kinukuha nila. Sa gabi rin sila nagpupunta ng kaniyang asawa sa basurahan at kinukuha nila ang mga bagong tapon.
Nililinis din ni Inday ang mga pagkaing nakukuha sa basurahan gamit ang baking soda at suka.
"Sa isang buwan nakatipid po talaga kami like $1,500 sa aming grocery lang po. 'Yung gagastusin lang namin sa baby namin like 'yung mga gatas niya, vitamins, sa mga gulay, sa fruits, karne, free na po kami no'n," sabi ni Inday.
Ang ginagawang pamamasura ni Roning, may pinanggagalingan pang mas malalim na hugot.
"Nagiging emotional po ako dahil sa daming mga pagkain na tinatapon, iniisip ko rin 'yung iba na wala silang kinakain at saka 'yung dumpster diving po it really comes from my heart. Na kami ng family ko is nag-grow kami sa farm. So 'yung kinakain namin 'yung tinanim namin, 'yun ang aming konsumo, 'yun 'yung aming everyday living," ani Rona.
Dahil dito, nagdo-donate rin si Inday Roning sa mga nangangailangan sa Florida.
Tunghayan ang kaniyang buong kuwento at ng iba pang Pinoy na nasa Amerika sa video na ito ng "Brigada."
--FRJ, GMA News