Sinabi ng isang opisyal ng Department of Labor and Employment na inalis na ng pamahalaan ng Oman ang "ban" sa overseas Filipino workers (OFWs) at mga turista.
Sa ulat ni Sam Nielsen sa Super Radyo DZBB nitong Miyerkules, sinabi ni DOLE information and publication service head Rolly Francia sa isang virtual forum, na nakatanggap si Labor Secretary Silvestre Bello III ng mensahe mula sa pamahalaan ng Oman tungkol sa naturang "ban."
Sinabi pa ni Francia na naghahanda na ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para sa pagpapadala ng OFWs sa Oman, na naaayon sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Kasabay nito, mag-aanunsiyo rin ang pamahalaan ng Pilipinas sa Setyembre 5 kung aalisin din ang ipinatupad na ban sa mga manggagaling naman sa Oman.—FRJ, GMA News