Nanawagan sa pamahalaan ng Pilipinas ang anak ng isang overseas Filipino worker na nasa Afghanistan pa rin na tulungang makauwi na ang kaniyang ama at mga kasama nitong mga Pilipino.
Sa ulat ni Cham Ramirez sa GMA Regional News nitong Huwebes, nakiusap si Trisha Delos Santos, mula sa Naga City, Camarines Sur, na bigyan aksyon na sana ang kanilang hiling na agarang repatriation ng kaniyang amang si Pablo Delos Santos Jr. at mga kapuwa nito OFW.
Ayon kay Trisha, sinabi ng kaniyang ama, isang project engineer, na kaagad daw silang umalis ng mga kasamahang OFW sa kanilang kompanya nang makontrol na ng Taliban ang Afghanistan.
"Agad-agad daw silang umalis doon sa company nila kasi sabi sa amin ni Papa talagang papasukin 'yon ng Taliban," kuwento ni Trisha, na nangangamba sa kaligtasan ng kaniyang ama.
Ayon pa kay Trisha, mahigit dalawang linggo na mula nang humingi sila ng tulong sa embahada ng Pilipinas sa Afghanistan pero hanggang ngayon ay wala pa raw nangyayari para maiuwi ang kaniyang ama at mga kasamahan nito.
Nauna nang sinabi sa isang panayam ni Joseph Glenn Gumpal, presidente ng Fililipino community sa Afghanistan, na hindi naman sila pinapabayaan ng embahada ng Pilipinas.
Mayroon umanong 78 OFWs ang nakatala sa repatriation flight. Mayroon na umanong 32 na iba pa na nakaalis na sa tulong ng kani-kanilang kompanya.
Tiniyak naman ng Overseas Workers Welfare Administration-Bicol, na bukas ang kanilang komunikasyon para tulungan ang mga Bicolanong OFW na mangangailangan ang tulong.
Sinabi naman ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na mayroong ikalawang repatriation flight na inihahanda ang pamahalaan para maiuwi ang mga stranded na OFW sa Afghanistan.
"OFWs that are still in Afghanistan are around 100 that needed to be repatriated. As far as I know, a second repatriation flight is already being organized," sabi ni Cacdac sa Laging Handa briefing, base umano sa datos Department of Foreign Affairs.
"I think the 100 will take about three or four repatriation flights," dagdag niya.--FRJ, GMA News