Maraming overseas Filipino workers ang sumusugal sa pakikipagsapalaran sa ibang bansa para sa kanilang pamilya. At ang ibang OFW naman sa Dubai, nakikipagsapalaran din sa pagtaya sa lotto sa pag-asa na sila'y mananalo.
Nitong nakalipas na mga buwan, sunod-sunod ang mga OFW sa Dubai na tumatama sa lotto at nananalo ng mga premyo na katumbas ng milyong-milyong piso ang halaga.
Ayon sa isang opisyal ng kompanyang nag-o-operate ng Mahzooz lottery, mahigit 16,000 na ang mga Pinoy na nanalo sa kanilang lotto, na ang premyong nakuha ay umabot na sa tinatayang katumbas na P71 milyon.
Kaya ang OFW na si Wendy, hindi nagdalawang-isip na tumaya rin sa lotto nang sabihin ng kaniyang partner ang mga numero na kaniyang napanaginipan.
Dahil na rin sa hirap ng buhay at mga dagdag na gastusin dulot ng pandemic, sinabi ni Wendy na malaking bagay kung makukuha o tatamaan nila ang jackpot prize na aabot ang halaga sa katumbas ng P650 milyon.
Makamit kaya ni Wendy ang inaasam na panalo mula sa mga numerong napanaginipan? At ano ang isa pang "premyo" na kaniyang hinihintay na nais niyang makamit? Panoorin ang video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
--FRJ, GMA News