Nasagip na ng mga awtoridad ang tatlong overseas Filipino workers (OFWs) na naunang humingi ng tulong dahil minamaltrato umano sila ng kanilang amo sa Kuwait.
Sa ulat ni JP Soriano sa GTV "Balitanghali" nitong Martes, sinabi ng mga OFW na ikinulong at sinasaktan sila ng kanilang amo nang magpaalam na silang magbibitiw sa trabaho at uuwi na sa Pilipinas.
Kinuha rin umano ng kanilang amo ang kanilang pera at government IDs.
Nang malaman ng Office of Migrant Workers Affairs ang sitwasyon ng mga OFW, ipinarating nila ito sa Philippine Embassy sa Kuwait, na siya namang nakipag-ugnayan sa Kuwait police para sagipin ang tatlo.
Nitong June 12, nakalaya na sila sa kanilang amo na napilitang dalhin sila sa himpilan ng pulisya sa Kuwait.
Ayon kay Ruby, isa sa mga nasagip, pina-ikot-ikot muna ng kanilang amo ang sasakyan bago sila sa dinala sa pulisya.
Pinagsabihan din umano sila na huwag magsasalita sa mga pulis, ayon naman ni Rose, isa pang OFW.
Nakausap na ng mga OFW ang kanilang mga kaanak sa Pilipinas, na labis ang kasiyahan na nailigtas na sila.
Mananatili muna sa shelter ng migrant workers and overseas Filipino and resource center ang tatlo habang pinoproseso ang pagpapauwi sa kanila sa Pilipinas.—FRJ, GMA News