Hindi nakatulog at tumaas ang blood pressure dahil sa tuwa ang isang overseas Filipino worker (OFW) nang manalo siya ng AED1 milyon o katumbas ng halos P13 milyon sa isang raffle draw sa Abu Dhabi.
Sa panayam ng GMA News sa OFW na itinago sa pangalang "Rolly," gagamitin niya ang napanalunan upang bayaran ang kaniyang mga utang.
Plano niya ring magbakasyon sa Pilipinas at maisagawa ang kaniyang dream wedding.
“Masayang-masaya. Hindi po ako nakatulog. Tumaas pa ang blood pressure ko,” natutuwang sabi ni Roland, 38-anyos, at tubong Pangasinan.
Ang mga numero na kaniya raw tinayaan ay mga kombinasyon na inaalagaan ng kaniyang live-in partner.
Sampung taon nang nagtatrabaho si Roland sa UAE kaya malaking tulong sa kaniya ang napanalunan para magamit sa mga gastusin tulad ng pagproseso sa titulo ng kanilang lupa.
Plano niyang magnegosyo tulad ng pagtatanim at pangisdaan. Ikinukonsidera rin niyang kumuha ng condo unit.
“Mabilis maubos ang pera. Nagtitingin-tingin ako ng mabi-business kung sakaling mag-for good na,” saad niya tungkol sa planong manirahan na uli sa Pilipinas.
Aminado rin si Roland na mayroon siyang mga pinagkakautangan sa Pilipinas na kailangan niyang bayaran.
“Ang dami kong mga utang sa mga kaibigan at kamag-anak sa Pilipinas. Kaya hindi ako makauwi kasi hindi makabayad. Ngayon uumpisahan ko na silang bayaran,” pahayag niya.
Si Roland ang ikalawang OFW na nananalo sa raffle draw na ginagawa ng Mahzooz, isang weekly live draw sa rehiyon.
Nitong nakaraang Mayo, isang 31-anyos na single mom ang nanalo ng AED201,000 o katumbas ng P2.63 milyon. —FRJ, GMA News