Ilalagay sa isang parke sa Alberta, Canada ang tatlong talampakan na rebulto ng pambansang bayani na si Jose Rizal, ayon sa Department of Foreign Affairs.
Ayon sa DFA, ang "bust" o rebulto ni Rizal na gawa ng Pinoy sculptor na si Toym Imao ay ilalagay sa Nose Creek Regional Park in Airdrie -- isang lugar na paboritong puntahan ng mga Pinoy at pinagdadausan ng Filipino community events.
Isa umano itong handog para sa mga Filipino sa Alberta.
“The Rizal Monument will be a tribute to all the hardworking Filipinos in Alberta, which hosts the second-largest Filipino population in Canada, and will be a source of pride for the whole Filipino community,” sabi sa pahayag ni Philippine Consul General Zaldy Patron.
Una umanong iminungkahi ni Patron ang paglalagay ng rebulto ni Rizal kay Airdrie Mayor Peter Brown noong June 2019.
Naaprubahan naman ng Airdrie City Council ang mungkahi sa idinaos na sesyon noong March 1 at April 6.
“We are very proud and pleased to announce our support for a community project that recognizes and celebrates Airdrie’s unique Filipino heritage,” sabi ni Brown.
“The monument will make a welcome addition to our already beloved Nose Creek Regional Park,” dagdag ng alkalde.
Inaasahan na matatapos ang naturang monumento ni Rizal sa October 2021. —FRJ, GMA News