Isang mambabatas sa Hong Kong ang nagmungkahing huwag nang palabasin ng bahay ang mga domestic helper kahit sa araw ng kanilang day-off para hindi sila mahawahan sa labas ng COVID-19.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Biyernes, sinabing mahigit 200,000 na Filipino domestic helper ang maapektuhan ng naturang panukala ng mambabatas.
Paliwanag ng mambabatas, nasa halos 500 domestic helper na ang nagpositibo sa COVID-19 kaya makabubuting huwag na silang palabasin ng bahay kahit day-off.
Pero nagpahayag ng pagtutol dito ang Labor department ng Hong Kong dahil isang uri umano ng diskriminasyon ang mungkahi laban sa mga kasambahay.
Pumalag din ang mga Filipino domestic helper sa Hong Kong dahil ilegal daw na alisin ang isang araw nilang pahinga.
Sa halip na pagbawalan ang mga DH na lumabas kahit day-off, sinabi nila na higit na dapat suriin ng mga kinauukulan ang bahay ng kanilang mga amo na kung misan daw ay nagpa-party pa.--FRJ, GMA News