Tila pinili ng mas maraming overseas Filipino workers sa Dubai ang manatili na lang muna sa United Arab Emirates matapos na lumitaw na kakaunti lang ang nagpatala upang makauwi sa Pilipinas sa pamamagitan ng New Year’s Eve repatriation program na isinagawa ng Department of Foreign Affairs (DFA).
“Very, very few OFWs have registered,” sabi ni Consul General Paul Raymund Cortes sa GMA News Online. “We are looking at about a hundred or even less.”
Dumagsa umano ang repatriation requests noong July na umabot sa tinatayang 8,000, ayonsa opisyal.
Ang sweeper flight — PR 8659 DXB BAH — ay nakatakdang umalis ng Dubai sa 11:45 a.m. ng Dec. 31, 2020, at tutungo sa Manama sa Bahrain para sunduin naman ang mga OFWs doon bago tuluyang lumipad pa-Maynila.
Inaasahang darating ang eroplano sa Pilipinas ng 4 a.m. ng January 1, 2021.
Prayoridad na pauwiin ang mga OFW na expired na ang visit visas at nakansela na ang residency visas, at mga walang pambili ng plane ticket pauwi ng Pilipinas, ayon kay Cortes.
Sa nakalipas na mga buwan, unti-unti nang bumabalik sa normal ang economic activities sa Dubai at nababawasan na rin ang restrictions sa paggalaw ng mga tao.
Ilang pagtatanghal na ang pinapayagan, at bukas na rin ang mga restaurants at hotels.
Isa ito sa mga hinihinalang dahilan ni Cortes kung bakit kakaunti na lang ang mga OFW na nais umuwi sa bansa dahil sa posibilidad na nakabalik na ang iba sa kanilang mga trabaho.
Idinagdag ni Cortes na kapag umuwi ng Pilipinas, posibleng maging pahirapan naman ang pag-alis ng OFW upang magtrabaho muli sa ibang bansa dahil sa mga rekisitos na kailangan tulad ng mga sertipikasyon ng pagiging COVID-free.
Umaabot sa 202,863 total recorded COVID-19 case sa UAE, na mayroong 179,925 ang gumaling at 660 ang pumanaw.
Sinimulan na rin ng Dubai noong December 23 ang libreng bakuna ng Pfizer-BioNTech at kasama rito ang mga officially resident sa Dubai.
“This shows that the UAE government is willing to provide vaccine services to all nationals regardless of citizenship as a gesture of its warm welcome to everyone,” ani Cortes.
Pero tumanggi siyang magkomento kung kabilang ang free COVID vaccine sa mga dahilan kapag kakaunti lang ang mga OFW na nais na umuwi pa sa Pilipinas.--FRJ, GMA News