Nadagdagan ng tig-isa ang mga Pinoy sa abroad na gumaling at nasawi sa COVID-19, ayon sa datos na inilabas ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Martes.
Sa pinakabagong bilang, inihayag ng DFA na 8,235 Pinoy sa abroad na ang gumaling sa naturang virus, habang 929 naman ang nasawi.
Nanatili naman sa 12,816 ang mga Pinoy sa abroad na dinapuan ng COVID-19, at 3,652 sa kanila ang patuloy na ginagamot.
Ayon sa DFA, nasa 2,637 ang COVID-19 cases ng mga Pinoy sa abroad na nasa Asia and the Pacific region. Sa naturang bilang, 801 ang ginagamot pa.
Nakapagtala naman ng 1,815 recoveries sa naturang rehiyon at 21 ang nasawi.
Sa Middle East or Africa, nakapagtala ng 7,626 cases at patuloy na ginagamot ang 2,404 at 554 na pasyente ang pumanaw.
Umabot naman sa 1,772 Pinoy ang nagpositibo sa virus sa Europe, at 385 pa ang ginagamot. Nakapagtala ang rehiyon ng 1,227 recoveries at 160 fatalities.
Sa Americas, mayroong 781 cases at 62 pasyenteng Pinoy pa ang ginamot. Umabot na sa 525 pasyente ang gumaling habang 194 ang pumanaw. — FRJ, GMA News