Namimiligrong maantala ang pagtatatag ng ipinapanukalang Department on OFWs at Department of Disaster Resilience dahil sa mungkahing unahing talakayin ang hakbang sa "right-sizing" ng burukrasya.
Sa deliberasyon ng mga senador nitong Lunes, sinabing magpapatawag ng pagtitipon ng mga senador na kasapi ng Senate Committee on Rules para talakayin kung ano ang dapat unahin--ang right-sizing ba o ang pagtatatag ng mga kagawaran para sa OFW at disaster resilience.
Ginawa ni Senate President Vicente Sotto III ang pahayag matapos umapela si Senador Panfilo Lacson na kailangang resolbahin sa plenaryo ang usapin.
"We should resolve this once and for all. Which comes first? The right-sizing measure or the other measures affected by resolving the issue?" ani Lacson.
Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, ipatatawag ang mga kasapi ng komite at maging ang mga may-akda ng mga pinag-uusapang mga panukalang batas.
Sa pagdinig ng panukala na itatag ang Department of OFW, sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na dapat unahing talakayin ang "right-sizing" bill.
"The establishment of a new agency can wait for a more opportune time, considering that the proposal comes as the government struggles to source funds for COVID-19 stimulus measures and vaccine procurement," paliwanag ng senador.
May siyam na panukalang batas na inihain para itatag ang OFW department na pawang nakabinbin sa mga komite sa Senado.
Samantala, aprubado na sa Kamara de Representantes ang kanilang bersiyon ng OFW department.
Tiniyak naman Senador Joel Villanueva, pinuno ng Senate panel on labor, na handa sila anumang oras na talakayin ang OFW department.
"We’re optimistic that the bill will continue to move forward in the legislative mill, now that our friends in the executive department has already consolidated into a unified bill all concerns raised by various stakeholders from the various agencies," ani Villanueva.
Samantala, nakabinbin din sa Senado ang panukalang sa pagbuo ng Department on Disaster Resilience, na aprubado na sa Kamara noong Setyembre.
Si Lacson, pinuno ng Committee on National Defense and Security, may agam-agam sa pagpopondo ng iminumungkahing bagong kagawaran.
Sa nakaraang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangangailangan ng pagtatatag ng OFW department at department on disaster resiliencethe.
Pero kasama rin sa talumpati niya ang rightsizing sa burukrasya sa kaniyang SONA noong 2019 at 2017. --FRJ, GMA News