Magiging prayoridad sa United Kingdom na bigyan ng COVID-19 vaccine ang mga care home resident, health and care staff, mga nakatatanda, at mga mamamayan nilang itinuturing "clinically extremely vulnerable" sa COVID-19.
Nitong Miyerkules, iniulat ng Britanya ang pag-apruba nila sa Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine para magamit na simula sa susunod na linggo.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, kabilang sa mga makakasama sa mga unang mababakunahan ay ang mga Filipino sa UK na nagtatrabaho sa mga health care facility.
“After all those times na we were uncertain of things and now we have the answer. It might not be the cure but at least we have something to hold on to na will give us hope,” sabi ng nurse na si Joanne Sanchez.
“I also felt a little bit sad and parang nanghinayang kasi I’m sure at some point we have lost someone in our family, close friends, those people, sayang hindi pa umabot,” dagdag niya.
Umaasa naman si Danica Guanzon na makakauwi na siya sa Pilipinas kapag nabakunahan na.
“Ngayon na may vaccine na, hopes high kami na finally this is it kahit na papaano makakauwi kami ng Pilipinas,” pahayag niya.
Hindi naman maiwasan ng ilang Pinoy health worker na mag-alala kung lubos na ligtas ba ang bakuna.
“Nininerbyos ako kasi hindi ko alam kung ano ‘yong mangyayari at hindi ko alam kung ano ‘yong itutusok sa amin. So ano magiging epekto nito in the long run so I think hindi ako papayag,” pahayag ng caregiver na si Shervete Gadingan.
Una nang iniulat ng Pfizer-BioNTech at U.S. biotech firm Moderna na mahigit 90 porsiyento ang bisa ng kanilang gamot.—FRJ, GMA News