Pumayag na umano si Pangulong Rodrigo Duterte na alisin ang deployment ban ng Filipino health workers tulad ng mga nurse pero lilimitahan lang muna ang mga papayagan na makaalis.
Sa ulat ni Rida Reyes sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na 5,000 health workers lang ang papayagang makapagtrabaho sa ibang bansa sa bawat taon.
Sinasabing pinapayagan nang alisin ang deployment ban dahil sa bumabagal na umano ang pagdami ng COVID-19 cases sa Pilipinas.
Bukod sa mga dati nang may kontrata, puwede na rin magtrabaho sa ibang bansa ang mga bagong aplikanteng health workers.
Gayunman, sinabi ni Bello na hanggang 5,000 lang muna ang papayagan na makaalis kada taon para matiyak na may sapat pa ring medical health workers ang bansa.
Ayon kay Bello, matagal na siyang "inaawitan" ng mga embahador ng Germany, United Kingdom at Italy na payagan na muli ang deployment ng mga nurse dahil kailangang-kailangan nila.
Ikinatuwa naman ng isang grupo ng mga nurse ang pag-alis sa deployment ban dahil matagal na rin daw silang naghihintay ng go signal para makaalis ng bansa.
Idinahilan ng grupo na sadyang hindi sapat ang kita sa Pilipinas ng mga health workers at wala ring benepisyo.
Hiling din ng grupo na sana ay dagdagan pa ang bilang ng mga health workers na puwedeng makaalis.
"This is welcome and positive development because we have been trying to campaign the total lifting of the ban, it has affected many nurses. Sa tingin namin ito ay isang malaking bagay," ayon kay Jocelyn Andamo, Sec.Gen. ng Filipino Nurses United.
Sa isa namang pahayag, ikinatuwa rin ni Senador Joel Villanueva ang pag-alis sa ban pero dapat din daw itong maging paalala sa pamahalaan na gumawa ng hakbang para mabigyan ng maayos na sahod at benepisyo ang mga healthcare workers.
"As we have said before when we called for the lifting of the ban early on, the most effective way to make our healthcare workers stay and work in our country is to offer better employment terms including competitive salary and benefits, and its timely payout," ani Villanueva, chairman ng Senate committee on labor.
"The world respects and looks up to Filipino healthcare workers as one of the best, and compensates them well for raising the standards of care. Our government should do the same to our own kababayans,"dagdag niya.--FRJ, GMA News