Naunsiyami ang pagbabalik-trabaho sana ng 11 overseas Filipino workers (OFWs) sa Dubai nang pabalikin uli sila sa Pilipinas dahil sa kabiguan nilang makakuha ng kinakailangang pahintulot mula sa mga kinauukulang ahensiya ng United Arab Emirates.
Ayon kay Consul General Paul Raymund Cortes, pinuno ng Philippine mission to Dubai, nangyari ang insidente noong Oktubre 9, at pinauwi ulit sa Pilipinas ang mga OFW sa sumunod na flight.
“Airline diligence dapat 'yan. The airline paid for their (OFWs’) return (flight). This was reason why we had to remind our kababayans,” sabi ni Cortes.
Naglabas ang Philippine Consulate General (PCG) ng abiso sa mga nagbabalik na OFWs sa UAE na dadaan sa Dubai International Airport, na kumuha ng kinakailangang pahintulot mula sa mga kinauukulang ahensiya bago pa man sila umalis ng Pilipinas.
Sa Public Advisory 18-2020, na inilabas noong Oct. 12, o tatlong araw matapos ang naturang insidente sa 11 OFWs, nakasaad na maaaring makuha ang kinakailangang re-entry approval sa General Directorate of Residency and Foreigners Affairs (GDRFA) sa Dubai para sa mga mayroong Dubai-issued residence visa; o sa Federal Authority for Identity and Citizenship (ICA) ng UAE, para sa mga may visa na galing sa anim na emirates.
“Without approval to return to Dubai, you will not be allowed entry,” paalala sa abiso, lalo na ngayong magsisimula nang magbalikan ang mga OFW dahil unti-unti nang bumabalik sa normal ang operasyon sa Dubai airport.
Ayon sa PCG, maaaring mag-apply online upang makakuha ng "approval" sa pagbabalik sa Dubai sa website ng GDRFA .
Sa mga mag-a-apply mula sa ICA, maaaring bisitahin ang //uaeentry.ica.gov.ae.--FRJ, GMA News