Isiniwalat ng dating senior auditing specialist ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na tinatayang P17.4 milyon na halaga ng premium na nakolekta sa ilang overseas Filipino workers ang ginamitan umano ng mga pekeng resibo.
Sa joint hearing ng House committees on Public Accounts and Good Government at Public Accountability nitong Miyerkules, sinabi ni Ken Sarmiento, dating nakatalaga sa POEA OFP Operations Office of PhilHealth na namamahala sa mga OFWs, na natuklasan ng kaniyang opisina na aabot sa P17,416,800 ang mga kuwestiyunableng siningil sa mga OFWs.
Ang mga pekeng resibo umano na ibinigay sa mga OFW ay mayroon mga serial number na nagamit na sa ibang transaksiyon.
Ayon pa kay Sarmiento, taong 2015 nang unang madiskubre ang umano'y pekeng resibo sa PhilHealth na naglalaman ng P2,400 na unremitted premiums ng isang OFW, na inisyu naman ng isang manpower company.
Sinulatan umano nila ang naturang kompanya para magpaliwanag.
"Pinadala nila operations manager nila and they were cooperative enough to say na meron silang 168 pa na resibo na kuwestiyonable, so we proceeded to verifying them at nakita namin na peke rin po sila," ayon kay Sarmiento.
Noong September 2018, mayroon umanong 224 confirmed cases ng palsipikadong resibo at 868 suspected cases.
Sa ginawa umanong imbestigasyon ng grupo ni Sarmiento, lumilitaw na mayroong 7,257 OFWs na nagbayad ng kontribusyon na hindi pumasok sa ahensiya, at P17.4M premiums ang kinukuwestiyon.
"We learned habang vine-verify namin na nagre-recycle sila. 'Yung grupo na namemeke, nagre-receycle po sila ng receipts officially issued before -- either last year, last month," sabi ni Sarmiento.
Naniniwala rin ang dating kawani ng PhilHealth na mayroong sindikatong nasa likod ng paggamit ng pekeng resibo sa mga OFW na nagbabayad ng kanilang kontribusyon.—FRJ, GMA News