Pumanaw na sa ospital ang isang overseas Filipino worker sa Hong Kong na nawalan ng malay habang nasa loob ng banyo at nabagok ang ulo.
Sa ulat ni Ivy Hernan sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, kinilala ang nasawing OFW na si Estrella Dofredo, tubong Ilocos Sur.
Mahigit 20 taon na raw nagtatrabaho sa Hong Kong si Dofredo at nitong Linggo ay nagtungo siya sa Plaza para sa kaniyang day-off.
Pero habang nasa banyo, biglang nawalan ng malay si Dofredo at nabagok ang ulo.
Kaagad naman siyang dinala sa ospital pero binawian din ng buhay pagkaraan ng apat na araw.
Sa impormasyon na nakuha ng pamilya ni Dofredo mula sa ospital, sinabing nagkaroon ng matinding pagdurugo sa utak ang biktima.
Ayon sa pamilya ni Dofredo, mayroon siyang brain aneurysm.
Hiling ng kaniyang mga kaanak, matulungan sana silang maiuwi kaagad sa bansa ang kaniyang mga labi.
"Pursuant to Republic Act No. 11400 o yung tinatawag nating Bayanihan To Heal As One Act, valid pa yung kaniyang OWWA membership. AS to the social benefits, may makukuha ang kaniyang pamilya depende kung ano ang ikinamatay niya," ayon kay Loreta Vergara, Head ng Welfare Assitance Unit ng OWWA-Region 1.
Pero dahil sa nararanasang COVID-19 pandemic, sinabi ng opisyal ng OWWA na baka abutin ng isang buwan bago maiuwi sa bansa ang kaniyang mga labi.--FRJ, GMA News