Isang buntis na OFW sa Jeddah, Saudi Arabia ang nanganak sa bahay ng amo habang naghihintay na makauha ng special flight pauwi ng Pilipinas.
Pasado 12 a.m. ng Miyerkoles nang magsilang ng isang malusog na sanggol na babae sa loob mismo ng kanyang kuwarto si Teresa (hindi tunay na pangalan) habang inaantay ang ambulansya.
Si Teresa ay isa lamang sa libu-libong OFW na hindi makauwi ng Pilipinas dahil sa international travel ban na Ipinatutupad ng Saudi Arabia dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.
Sa eksklusibong panayam ng GMA News kay Teresa, ikinuwento niya na nabuntis siya ng kanyang mister nung siya ay nag-emergency leave sa Pilipinas nitong nakaraang Oktubre nang mamatay ang kaniyang ina.
Pagbalik na lang daw niya ng Saudi Arabia nang malaman niya na siya ay nagdadalang-tao. Agad naman daw niya itong ipinaalam sa kaniyang amo at pinakiusapan siyang umuwi pagkatapos ng buwan ng Ramadan.
Ngunit dahil sa lockdown ay hindi makauwi ng Pilipinas si Teresa kahit na inisyuhan na siya ng exit visa ng kanyang amo dahil sa walang biyahe papuwi ng Pilipinas maliban sa special at chartered flights.
Lumapit na rin sa Philippine Overseas Labor Office sa Jeddah si Teresa para makapag-apply ng repatriation flight hanggang sa abutan na siya ng panganganak sa pag hihintay na makauwi ng Pilipinas.
Nangako naman ang kanyang recruitment agency na tutulungan siyang makauwi ng Pilipinas at pansamantala ay ititira muna nila ang mag-ina sa kanilang accommodation para maalagaan.
"We will bring her to our accommodation. She will stay there while processing the repatriation. We will help the worker kung ano ang maitutulong namin para ma-expedite yung pag-uwi nila ng baby niya, and then of course we will coordinate sa embassy kasi they are the one who will help sa pagpapauwi especially sa mga documents," anang recruitment agency ni Teresa. —KBK, GMA News