Mga prutas at gulay na ni-"reject" umano sa mga grocery at hindi talaga mga "basura" ang kinukuha ng mga stranded overseas Filipino worker sa Riyadh, Saudi Arabia para may makain, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.
“Naniniwala ba kayo na ang isang Pilipino, isang marangal at may dangal na tao, ay kakain ng basura? The truth of the matter is may mga dinedeliver na prutas sa groceries, iyong hindi pumasa sa groceries, iyon ang pinag-aagawan ng mga kasamahan natin,” paliwanag ni Bello sa ginanap na pagdinig sa Kamara de Representantes kaugnay sa kalagayan ng mga OFW ngayong panahon ng pandemic.
“Di po ito basura. Hindi po ako naniniwala na may Pilipinong kakain ng basura. Ewan ko po sa inyo, your honor, pero wala pa akong nakitang Pilipino na kumain ng basura,” patuloy niya.
Ganito rin ang paniwala ni Philippine Ambassador Saudi Arabia Adnan Alonto.
“Ang pagkakaalam po natin, base po sa reports ng ating case officers, sila po ay nabigyan po sila ng tulong. Iyong location po nila, malapit sa bakala, iyong mga mini-marts po. Ang nangyari po, iyong mga gulay na 'di pumasa sa quality standard ng grocery, they go to the garbage, iyon po ang kinukuha ng mga kababayan natin,” paliwanag ni Alonto.
“Alam niyo naman po ang mga kababayan natin, basta maganda pa itsura ng gulay, kinukuha nila eh,” dagdag niya.
Sinabi pa ni Alonto, na ang OFW na nakapanayam ng GMA News na si Reynan Bancoro, at nagkuwento tungkol sa hindi umano magandang kalagayan ng mga OFW sa KSA, ay nakatanggap daw ng tulong sa pamahalaan ng 700 Saudi Riyals o P9,100.
“Ang hindi ko lang po nagustuhan, iyong mismong nainterview, nakatanggap ng DOLE AKAP (financial assistance for displaced OFWs), 700 riyals po. Hindi siguro tama na gamitin iyong video na ito na maipakita na 'di natutulungan ng gobyerno,” giit ng opisyal.
“Sana huwag nilang gawin iyon, ine-expose nila yung sarili nila sa criminal action by their employers, very strict po ang cybercrime laws roon. Makakadagdag [din] sa bigat ng problema ng embahada at ng POLO (Philippine Overseas Labor Office),” dagdag ni Alonto.
Una nang sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Sarah Arriola na sinadyang palabasin na namumulot ng basura para may makain ang mga OFW. Nagbabala siya na puwedeng managot sa cyberlibel ang mga gumagawa ng ganitong video.
Noong June 18, nakausap ni OWWA administrator Hans Cacdac sa GMA News Unang Hirit, ang mga OFW sa Riyadh na sinasabing namumulot na ng makakain sa mga basurahan.
Sa naturang panayam, nangako si Cacdac na tutulungan at padadalhan ng tulong ang mga OFW.
“Napatawag na namin iyong kanilang recruitment agency, naidulog na rin po sa POEA (Philippine Overseas Employment Administration) ang kawalan ng aksyon ng kanilang ahensiya, at para sila ay agarang makauwi,” sabi ni Cacdac.
“May efforts na po ang ating embahada at Labor Office sa Riyadh para makauwi sila sa Pilipinas at panagutin ang kanilang recruitment agency,” ayon pa sa opisyal.
Duda rin sa Bello sa lumabas na ulat na may mga displaced OFW na nagbebenta na ng kanilang dugo para may maipambili ng pagkain.
"Ang mga Pilipino, kung minsan, sa kagustuhan nila na makapagpadala ng pera sa kanilang maybahay rito sa Pilipinas, they go for extra money, and one of them is selling blood,” sabi ni Bello.
“Nagbebenta ng dugo ang ating mga kababayan hindi dahil sa pangangailangan kung hindi dahil sa kagustuhan nila na makapagpadala ng dagdag pera. That does not only happen during this pandemic,” patuloy niya.—FRJ, GMA News