Inihayag ni Overseas Workers Welfare Administration chief Hans Leo Cacdac na iuuwi sa bansa ang mga labi ng mga overseas Filipino workers na nasawi sa COVID-19 sa Kingdom of Saudi Arabia.

"In due time, they will be home. We assure you that. Si [Labor] Secretary [Silvestre] Bello [III] mismo ang nagpapasinaya ng proseso na ito," sabi ni Cacdac sa Laging Handa press briefing nitong Biyernes.

"Lahat po ng mga nasawi na OFWs sa Saudi, 'yun na ho ang isinasagawa natin ngayon, ayon din sa kapasyahan ng IATF (Inter-Agency Task Force). Whether COVID or not COVID po ay isinasaayos na ang kanilang pagpapauwi," pagtiyak ng opisyal.

Bagaman may petsa na umano kung kailan planong iuwi ang mga bangkay, hindi pa raw ito masabi sa ngayon ni Cacdac.

Nitong Miyerkules, sinabi ni Bello na idudulot niya ang hiling ng mga pamilya ng mga OFW na nasawi sa KSA dahil sa virus na maiuwi ang mga bangkay ng kanilang mga mahal sa buhay.

Batay sa naunang plano ng IATF [Inter-Agency Task Force], payagan nang mailibing sa KSA ang mga OFW na pumanaw sa COVID-19.

Hindi pinapayagan sa KSA ang cremation alinsunod sa tradisyon ng nasabing bansa.
Batay sa naunang datos na sinabi ni Bello, 287 ang mga bangkay ng mga OFW na nasa KSA, at 107 dito ay mga nasawi sa mga karamdamang may kaugnayan sa COVID-19.

Naglabas na ng utos ang pamahalaan ng KSA na dapat nang maialis ang mga labi ng mga OFW. —FRJ, GMA News