Napipilitan na umano ang ilang stranded OFW sa Saudi Arabia na nagbenta ng kanilang dugo para may maibili sila ng pagkain matapos matigil ang kanilang trabaho dahil sa krisis na dulot ng COVID-19 at naghihintay na maiuwi sa Pilipinas.

Ayon sa  JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing mahigit na 50 stranded OFWs ang tatlong buwan nang nakatigil sa isang gusali sa KSA matapos matigil ang trabaho sa restaurant.

Ilan umano sa kanila, nagbebenta na ng dugo sa halagang 500 riyal.

"Walang-wala na po kaming pera panggastos. Kaming lahat wala na po dito. 'Yung iba po naming kasamahan nagawa nang mag-donate ng dugo para lang may pambiling pagkain," pahayag ng isang OFW.

Halos lahat din umano ng mga OFW ay may mga sahod na hindi pa naibibigay ng kanilang kompanya.

"Ang gusto lang po namin sana ay makauwi na lang po kaming lahat. Sana matulungan po kami ng POLO, ng OWWA, kasi 'yung iba po sa amin talaga nai-i-stress na rin. Lahat po kami nahihirapan na," dagdag niya.

"Sana po makaabot sa inyo ang video naming ito, mahal naming Pangulo Rodrigo Roa Duterte," patuloy ng OFW.

Ayon sa Department of Foreign Affairs – Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (DFA-OUMWA), tinatayang 167,626 ang mga stranded na Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo.

Pinakamarami sa kanila ay nasa Gitnang Silangan na 158,633. Sa nasabing bilang, 88,000 ang nasa Saudia Arabia at 50,000 sa United Arab Emirates.

Nangako naman ang DFA-OUMWA na sisikapin nilang mapauwi ang mga stranded OFWs sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan.

"The biggest problem in Saudi Arabia is Riyadh alone is bigger than the Philippines," ayon kay DFA-OUMWA undersecretary Sarah Arriola.

"So it's very difficult for our foreign service post to respond to the need of our OFWs because of the sheer size, the lockdowns, and also the lack of manpower. And, unfortunately, our POLO office has been shut down because there are 16 infected of COVID-19," paliwanag pa niya.--FRJ, GMA News