Tatlong OFW sa Riyadh, Saudi Arabia na nahawaan daw ng COVID-19 ng amo ang humihingi ng saklolo sa pamahalaan, ayon sa ulat ni JP Soriano sa Saksi nitong Martes ng gabi.

Kita sa video na pinagdarasal ng dalawa ang kasamahan nila na pilit nilang pinapakalma.

"Lumaban ka, may mga anak pa tayo," anang isa sa kanila.

Sa isang bodegang walang aircon daw nilagay ang tatlo ng kanilang among COVID-positive din.

Sa pamamagitan ng programang Unang Hirit, naidulog ng tatlo noong nakaraang Linggo ang sitwasyon nila kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) chief Hans Leo Cacdac.

"Kinakailangang maisagawa diyan ay ma-pull out sila at madala sa medical authorities... para sa kanilang agarang treatment," ani Cacdac.

Pero hanggang ngayon ay wala pa raw natatanggap na tulong ang tatlo. --KBK, GMA News