Nakiusap sa pamahalaan ang misis ng isang overseas Filipino worker na pumanaw sa Saudi Arabia dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) na maiuwi ang kaniyang mga labi sa Pilipinas para may madalaw man lang silang puntod ng kaniyang mabait na padre de pamilya.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nagkaroon ng  pneunomia  ang OFW na si Ruperto Llorando, 55-anyos, at kinalaunan ay pumanaw matapos na magpositibo sa COVID-19.

Ngayong 2020 na sana ang huling taon ng pagtatrabaho niya sa KSA matapos ang 12 taon na magsisilbi roon bilang supervisor at engineer.

"Ang request po namin mapauwi 'yung asawa ko, kasi naiitindihan naman namin na kahit nandito na hindi naman namin siya talaga puwedeng iburol," sabi ng asawa ni Ruperto.

"Ang importante po mapauwi sila para may pagkakataon naman na kami na madalaw siya kahit nga 'yung sa puntod na lang or kung cremated at least meron kaming makikita na 'yun 'yung asawa ko," emosyonal pa niyang pahayag.

Ayon sa Malacañang, ang mga OFW na nasawi sa COVID-19 ay kailangan nang ilibing sa KSA. Hindi kasi pinapayagan sa naturang bansa ang cremation.

Tanging ang mga pumanaw na OFW na hindi sa COVID-19 namatay ang maaaring maiuwi sa bansa.

Sa 72 OFWs sa KSA na pumanaw sa COVID-19, 20 na ang nailibing matapos pumayag ang kanilang mga kaanak.

Nakikipag-ugnayan pa umano ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga pamilya ng iba pang OFWs na nasawi dahil sa virus.

Binigyan umano ng KSA ang Pilipinas ng tatlong araw para maiuwi sa bansa ang mga OFW na pumanaw dahil sa COVID-19. Kapag hindi ito nagawa, sa naturang bansa na ililibing ang mga bangkay.

Ayon kay Director Alice Visperas, International Labor Affairs Bureau, inihayag umano ni DOLE Secretary Silvestre Bello na nagdesisyon ang IATF na hindi na iuuwi ang mga bangkay ng mga OFW na pumanaw dahil sa COVID-19.

Gayunman, inihayag ni Visperas na may ginawang note verbale ang embahada ng Pilipinas sa pamahalaan ng KSA upang makiusap na palawigin pa ng 72 oras ang kanilang ibinigay na deadline para hanapan ng paraan kung ano ang gagawin sa mga bangkay.—FRJ, GMA News