Inihayag ni Philippine Ambassador Adnan Alonto na 353 ang kabuuang bilang ng mga labi ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na nasa Saudi Arabia. Mahigit 100 umano sa mga ito ay pumanaw dahil sa  COVID-19.

Sa televised briefing nitong Lunes, sinabi ni Alonto na 107 ang OFWs na nasawi sa KSA dahil sa COVID-19. Habang ang natitirang 246 OFWs ay nasawi dahil sa iba't ibang karamdaman at mayroon din naging biktima ng krimen.

Una rito, sinabi ng pamahalaan ng KSA sa Pilipinas na iuwi na ang mga labi ng nasa 282 OFWs.

Nitong Linggo, sinabi ng Malacañang na ang mga Pilipino sa KSA na nasawi sa mga karamdamang may kaugnayan ay COVID-19 ay ililibing na lang sa naturang bansa.

Samantala, iuuwi naman sa Pilipinas ang mga labi ng OFWs na hindi nasawi dahil sa COVID-19.

Ayon kay Alonto, naantala ang pag-uwi sa mga labi ng OFWs dahil sa ipinatupad na travel restrictions ng KSA para mapigilan ang pagkalat ng virus.

“Nagkaroon po tayo ng backlog, so iyon po largely ang naging cause. Even up to now the flights are very limited and I understand ang isang plane full of passengers can only accommodate not more than three human remains dahil napakainit po ngayon dito sa Saudi Arabia,” paliwanag ng embahador.

“Pagka mainit na mainit talaga kailangan medyo i-balance din yung load ng eroplano,” dagdag niya.

Nakikipagtulungan na umano ang Department of Foreign Affairs sa iba pang ahensiya ng pamahalaan para maiuwi ang mga labi ng mga OFW.— FRJ, GMA News