Muling nanawagan ng tulong ang ilang OFW sa Riyadh, Saudi Arabia na umabot na sa pangangalkal ng basura para may makain. Nangako naman ang pinuno ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na may darating na ayuda sa kanila.
Sa panayam ng GMA News "Unang Hirit" nitong Huwebes, sinabi ng OFW na si Reynan Bancoro, na may mga kasamahan din sila na nagsangla na ng passport at nagbenta ng cellphone para masuportahan ang kanilang pangangailangan matapos silang pabayaan ng kanilang employer dahil sa krisis na idinulot ng COVID-19.
"Karamihan po sa amin dito, ang mga cellphone naibenta na, pati po dumating sa punto mga passport kailangan na rin pong maisangla para makakuha ng panggastos namin po dito, hanggang sa nangalakal na po kami para lang masuportahan ang aming pang-araw-araw na pagkain," ayon kay Bancoro.
Nasa 200 daw silang mga OFW sa kanilang villa, na nahinto sa trabaho mula nang ipatupad doon ang lockdown.
Sa naturang panayam din, sinabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, na pananagutin nila ang recruitment agency ng mga OFW, at idinulog na raw ito sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Tiniyak din ni Cacdac na padadalhan ng ayuda ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) ang mga OFW. Naantala lang umano ang ginawang paghahatid ng tulong ng POLO dahil may mga tauhan na tinamaan din ng virus.
Nangako rin ang opisyal na tutulungan ang mga OFW na makauwi sa Pilipinas na maaaring mangyari ngayong buwan.
Hindi rin umano magiging problema ang mga nagsangla ng pasaporte dahil maaari itong palitan ng travel document. Gayunman, kailangan pa rin silang makakuha ng exit visa na manggagaling sa pamahalaan ng KSA.
"Yung pagpapauwi siyempre nakadepende sa kanilang exit visa kaya yun yung proseso na kailangang pagdaanan," sabi ni Cacdac.
Sa mga OFW na may katulad na sitwasyon ng grupo ni Bancoro, sinabi ni Cacdac na kailangan lang nilang makipag-ugnayan sa POLO kahit sa pamamagitan ng email.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News