Nakapagtala ng panibagong 455 kaso ng mga Pinoy sa abroad na nahawahan ng COVID-19. Dahil dito, umabot na ang kabuuang bilang sa 6,021, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Martes.
Inihayag din ng DFA na umakyat naman sa 2,833 ang mga gumaling makaraang madagdagan ito ng 336. Ang mga nasawi, nadagdagan naman ng 16 para sa kabuuang bilang na 442.
Sa datos ng DFA, pinakamarami pa rin sa mga Pinoy sa abroad na tinamaan ng COVID-19 ay nasa Middle East/Africa na may bilang na 3,886. Sumunod naman ang Europe (881), Americas (684) at Asia Pacific Region (570).
Today, the total number of confirmed COVID-19 cases among Filipinos abroad breached the 6,000 mark with 455 recently reported confirmed cases in the Americas, Asia and the Pacific, and Middle East/Africa. (1/4) pic.twitter.com/XAiL3mvyGb
— DFA Philippines (@DFAPHL) June 16, 2020
Pinakamarami naman sa mga nasawi ay nasa Americas na may bilang na 163. Sumunod ang Middle East/Africa (185), Europe (92) at Asia Pacific Region (2).
Nasa Middle East/Africa naman ang pinakamaraming gumaling sa virus na may bilang na 1,690. Sumunod ang Asia Pacific Region (479), Americas (363) at Europe (301). --FRJ, GMA News