Umabot na umano sa 50,105 ang overseas Filipino workers (OFW) na tinulungan ng pamahalaan na makauwi sa Pilipinas dahil sa nararanasang pandemya sa mundo dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa late briefing nitong Lunes, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, chairperson ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, na mula Mayo hanggang Hunyo 14, tinatayang 41,000 OFWs ang nakauwi na sa kanilang mga probinsiya.
Samantalang mula May 15 hanggang 24, sinabi ni Lorenzana na 8,922 naman ang nakauwi sa kanilang mga pamilya.
“Tuloy-tuloy pa rin po ‘yong ating pag-repatriate at pagtanggap ng repatriates na galing sa ibang bansa,” sabi ng kalihim.
“Ang target is hindi tatagal ng five days at mapapauwi na,” dagdag niya.
Sa tala ng Department of Foreign Affairs nitong Lunes, nakasaad na 5,566 na ang bilang ng mga Pinoy sa abroad ang nahawahan ng COVID-19. Pinakamarami sa mga kaso ay nasa Middle East/Africa.
Sa naturang bilang, 2,497 ang gumaling na at 426 ang nasawi. —FRJ, GMA News