Isang overseas Filipino worker sa Riyadh, Saudi Arabia ang pinalayas ng kaniyang amo matapos siyang tamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). Ang OFW, idinaan sa social media ang paghingi ng saklolo dahil wala nang mapuntahan.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, mapapansin sa video na ipinost sa social media ng OFW na itinago sa pangalang "Lea," ang kaniyang tila hirap sa pagsasalita at paghinga.
“Parang awa niyo po tulungan niyo po ako. Nandito po ako sa trabaho ko sa rehabilitation. Nagpositive po ako ng COVID. Nanghihina po ako. Hindi ko na kaya. Diyos ko, tulungan niyo po ako,” sabi ni Lea.
“Pinandidirihan nila ako rito. Diyos ko,” patuloy ng OFW na hindi nabanggit kung paano niya nalaman na positibo siya sa virus.
Ilang oras umano matapos na i-post ni Lea ang video, pinaalis na siya ng kaniyang amo kaya napilitan na lang siyang mamalagi sa bangketa.
Tumulong naman ang ibang OFW sa kaniya na nagbigay ng makakain pero wala silang maisip na lugar na puwede niyang puntahan dahil namamasukan din lang sila.
Nakarating naman kaagad sa Philippine Embassy sa KSA ang kalagayan ni Lea na mabilis ding nakipag-ugnayan sa Saudi health authorities. At matapos ang ilang ulit na pagtawag ay nasundo naman daw si Lea ng ambulansiya.
Ang mister ni Lea sa Pilipinas, hindi batid kung papaano nalaman ng kaniyang asawa na positibo ito sa virus.
Hindi na raw daw kasi makontak ang asawa sa telepono.
“Hihingi ako ng tulong po sa embassy ng Pilipinas para hindi naman po mapabayaan doon. Talagang nabigla ako, nalungkot,” sabi ng mister ng OFW.
Sinabi ng Philippine Embassy na maging sila ay nahihirapan na makontak ang Saudi authorities para masundo ang mga Pinoy doon na nagkaroon ng COVID-19.
Naghain na umano ng diplomatic notice ang embahada sa Saudi Arabia para alamin ang kanilang plano sa mga OFW na tatamaan ng virus. —FRJ, GMA News