Pinuri ng embahador ng Pilipinas sa Vietnam ang mahusay na pagtugon ng huli sa COVID-19 pandemic. Bukod sa napanatili ng Hanoi na mababa ang kaso ng hawahan, wala ring Pilipinong naninirahan doon ang tinamaan ng virus.
“Sa awa ng Diyos, walang Pilipino ang nahawaan ng COVID-19,” sabi ni Chargé d' Affaires Paul Vincent Uy sa televised briefing nitong Biyernes.
Pinuri ni Uy ang ginawang hakbang ng Vietnam para mapigilan ang pagkalat ng virus sa kanilang bansa. Kabilang dito ang kaagad na pagsasara sa border ng China, kung saan unang naitala ang kaso ng COVID-19 noong Disyembre.
Naging mahigpit din ang kanilang patakaran sa quarantine at naging epektibo ang contact tracing, o paghahanap sa mga nakasalamuha ng infected.
Tinatayang nasa 328 lang ang COVID-19 cases sa Vietnam at walang nasawi.
“Vietnam has effectively and quickly controlled the spread [of the virus],” sabi ni Uy.
Gayunman, dahil sa pandemic ay naapektuhan din ang kabuhayan ng mga Pinoy sa Vietnam, lalo na ang mga "no work, no pay," at nasa shuttered businesses, ayon pa sa embahador.
“Kahit na walang Pilipino ang nahawaan sa Vietnam, ang ating embahada ay patuloy na tumutulong sa ating mga kababayan na naapektuhan ng COVID-19 pandemic,” pahayag niya.
Nitong nakaraang Abril, 143 distressed Pinoy sa Vietnam ang tinulungan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na makauwi sa Pilipinas.
Ilan umano sa mga ni-repatriate ay na-stranded sa Vietnam nang makansela ang kanilang mga biyahe dahil pa rin sa krisis.
Tiniyak naman ni Uy na patuloy ang ginagawang pag-alalay ng embahada sa mga Pilipinong apektado ng krisis sa Vietnam.--FRJ, GMA News