Masaklap ang naging kapalaran ng 18 overseas Filipino workers sa Riyadh, Saudi Arabia na biglang pinalayas sa kanilang tinitirhan nang tumigil sa operasyon ang kompanya na kanilang pinagtatrabahuhan dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing papunta na sana ang mga OFW sa kanilang tinutuluyang bahay nang bigla silang pababain sa bus ng opisyal ng human resources department.
Sinabihan umano sila ng taga-HR na hindi na sila puwedeng tumira sa kanilang tinutuluyan dahil tumigil na rin sa operasyon ang kompanya na kanilang pinapasukan.
“Maya-maya dumating na po ‘yong Egyptian na HR namin, nagwala po sila, nagmarakulyo na, nagsisigaw hanggang sa hinatak na po mga kasama namin… hanggang sa nagkakasakitan na,” kuwento ng isang OFW.
"'Yong Egyptian parati niya ako hinahabol, nagkaroon po ako ng bruises sa magkabilang kamay," sabi ng kumukuha ng video. "Pagbaba po ng gamit, biglang umalis 'yong sasakyan."
Dahil sa nangyari, napilitan ang mga OFW na makitulog sa isang gusali.
"Parang lowest of the low po 'yong nararamdaman namin noong araw na 'yon. 'Yong galit, 'di namin alam saan ilulugar sarili namin sa oras na 'yon," sabi ng isa pang OFW.
Kinabukasan, pinuntahan sila ng Philippine Overseas Labor Office sa Riyadh at dinala sa kanilang tutuluyan na kanilang principal company.
Nangako rin ang mga opisyal ng embahada na iimbestigahan nila ang pangyayari.
“Hindi po natin papayagan na ang mga Pilipino ay ganun-ganun na lang tratuhin ng ating mga employers dito sa Saudi Arabia,” sabi ni Adnan Alonto, Philippine Ambassador to the KSA.
“Itong isang problemang ito ay ito po ay idudulog namin sa aming nalalapit na meeting with the Ministry of Human Resources and Social Development o ‘yong kanilang Ministry of Labor para mai-discuss at mailahad sa kanila ang mga problemang ganito at pag-usapan din kung anong karampatang parusa ang dapat matamo nitong mga employers na ganito,” dagdag niya.--FRJ, GMA News