Kahit nakaalis na sa kanilang quarantine facilities, hindi pa rin tapos ang kalbaryo ng maraming OFWs na nais nang makauwi sa kanilang mga lalawigan matapos na magdamag umanong paghintayin sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para sa sasakyan nilang eroplano.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, hindi napigilan ng ilang OFW na maglabas ng sama ng loob dahil sa kanilang dinadanas.
Wala rin daw silang natanggap na inumin o makakain sa magdamag nilang paghihintay. Ang iba, napunta pa sa mainit na puwesto ng Terminal 2.
"Para kaming basura dito na tinapon lang, oo. Wala kaming kain mula pa kagabi, kahapon pa kami dito, hanggang ngayon," pahayag ni Arlyn Tonquerido.
"Yan ang bayani na tinatawag nila? Hindi naman bayani 'yun. Kasi mamatay kami sa gutom, hindi kami mamatay sa COVID," dagdag niya.
Marami sa mga OFW ang inip na inip na at sabik na sabik nang makauwi sa kani-kanilang pamilya matapos na maka-quarantine sa Metro Manila nang higit pa sa itinakdang 14 na araw mula nang dumating sa bansa.
Ang ibang OFWs, inabot ng isa hanggang dalawang buwan sa mga quarantine facilities sa paghihintay sa resulta ng kanilang COVID-19 test.
Kahit pahirapan sa pagsakay sa eroplano para makauwi ng probinsiya, nagtiis ang marami sa kanila na maghintay. Pero sana naman daw ay hindi sila basta pinabayaan na lang.
"Parang pinabayaan lang, eh, kasi wala namang OWWA (Overseas Workers Welfare Administration) na naka-ano sa amin. Kung ano talaga gagawin namin, wala," ayon kay Gretchen Lizada-Taganile.
"Kami pa 'yung gumawa ng idea para magkaroon kami ng flight sa ano. Tumawag kami sa LGU tapos nag-lista kami ng pangalan. Kasi 'yung sabi ng ano, kung aabot kami sa quota, bibigyan nila kami ng flight," sabi naman ni Ronie Pales.
Dagdag naman ni Jell Macabutas, "Ang panawagan ko naman po sa OWWA, kung puwede po sana, i-accomodate po nang maayos 'yung OFWs para sa susunod hindi na po mangyayari itong insidente na 'to kasi dumadami at dumadami po kami." —FRJ, GMA News