Mahigit 300 Filipino crew member ng Sea Chefs and TUI Cruises sa Hamburg, Germany, na dalawang buwang nang naghihintay na makauwi, ang dumating na sa Pilipinas, ayon sa Department of Foreign Affairs.

Sa pahayag, sinabi ng DFA na dumating sa Pilipinas ang mga Pilipino mula sa Hamburg nitong Mayo 25.

Tulad ng ibang cruise liner, natigil din sa operasyon ang Sea Chefs and TUI Cruises dahil sa krisis na idinulot ng COVID-19.

Ayon kay Labor Attaché Delmer Cruz, maaaring mag-aplay ang mga umuwing seafarer sa social amelioration program ng "AKAP" sa iba't ibang OWWA regional offices.

Pinoy abroad COVID-19 cases

Samantala, umabot na 2,664 ang bilang ng mga Pinoy sa abroad na tinamaan ng COVID-19 matapos itong madagdagan ng 29 na panibagong mga kaso.

Umakyat naman sa 930 ang bilang ng mga gumaling matapos na madagdagan ng 25. Anim naman ang nadagdag sa listahan ng mga nasawi, para sa kabuuang bilang na 334.

Ang Europe pa rin ang rehiyon sa mundo na may pinakamataas na bilang ng mga Pinoy sa abroad na may COVID-19, na umaabot sa 801. Sa naturang bilang, 90 ang nasawi at 252 ang gumaling.

Sumunod naman ang Middle East/Africa na may 757 cases; 92 ang nasawi at 124 ang gumaling.

Sa Americas, 633 ang Pinoy sa abroad na tinamaan ng virus. Sa nabanggit na bilang 150 ang nasawi, 212 ang gumaling. Habang sa Asia Pacific Region, nakapagtala ito ng 473 kaso, na dalawa ang nasawi, at 342 ang gumaling.--FRJ, GMA News