Mahigit 35,000 overseas Filipino workers na bumalik sa bansa ang isinailalim umano sa COVID-19 test ng Philippine Red Cross, ayon sa chairman nito na si Senador Richard Gordon.
Sa virtual forum nitong Lunes, sinabi ni Gordon na sa 35,443 na sinuri, nasa dalawa hanggang tatlong porsiyento umano ang nagpositibo sa virus.
"Seven hundred-sixteen are positive—anywhere from 2% to 3%. The rest are negative," ayon sa senador.
Sa kasalukuyang protocol, sinabi ni Gordon na isinusumite ang lahat ng resulta sa Department of Health at Bureau of Quarantine, at ilan pang ahensiya.
Para mapadali naman na malaman ang resulta ng pagsusuri, plano umano ng PRC na magbukas ng hotline na maaaring tawagan ng publiko na nais malaman ang resulta ng kanilang COVID-19 tests.
Tinanong naman ang senador kung kakayanin maitupad ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na pauwiin na ang mahigit 24,000 OFWs na stranded sa Metro Manila, sabi ni Gordon: "Que kayanin o hindi, kung gusto maraming paraan. Kung ayaw maraming dahilan."
Una rito, binigyan ni Duterte ang Department of Labor and Employment, Overseas Workers Welfare Administration at Department of Health, ng isang linggo para ipatupad ang kaniyang direktiba.
Sa protocol, dapat 14 na araw lang mananatili sa mga quarantine facilities ang umuwing OFWs pero marami ang inaabot ng higit pa sa naturang araw dahil sa tagal ng paglabas ng resulta ng kanilang COVID-19 tests.
Nitong Miyerkules, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na kabilang sa nagpapatagal sa paglabas ng test results ay ang encoding.
“Ang nagiging problema ngayon is encoding, ‘yung pag-i-encode ng mga datos at tsaka ‘yung mga resulta,” paliwanag niya.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, nasa 4,000 OFWs umano ang pinayagan nang makauwi sa kani-kanilang lalawigan.--FRJ, GMA News