Walo sa halos 100 buntis na ni-repatriate na overseas Filipino workers (OFWs) ang napaanak na habang hinihintay ang resulta ng kanilang coronavirus disease 2019 (COVID-19) tests sa kanilang tinutuluyang quarantine facilities.
Sa panayam ng Dobol B sa News TV nitong Lunes, sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Hans Leo Cacdac, na sinusubaybayan naman ng mga midwive at nurses ang mga bagong ina.
“Kanina lang, naka-meeting ko ‘yung mga midwife, nag-uulat sila sa akin ng mga dinalaw nila. Meron tayong ganun para mabigyan ng payo at kaukulang atensyon ang mga buntis,” ayon sa opisyal.
“Marami sila halos aabot ng isang daan. Tapos, walo na ‘yung nanganak,” dagdag niya.
Ayon kay Cacdac, pinayuhan muna ang mga ina na manatili muna sila sa quarantine facilities kasama ang kani-kanilang sanggol hanggang sa magbigay na ng abiso ang mga duktor kung maaari na silang bumiyahe pauwi.
Hiling naman ng iba pang buntis na nasa quarantine facilities, unahin nang ilabas ang resulta ng kanilang COVID-19 tests upang makauwi na sila at higit nilang mapangalagaan ang kanilang mga kondisyon.
Pinapayagan lamang ang mga OFW na makauwi sa kani-kanilang lalawigan kapag nabigyan na ng certificate tungkol sa resulta ng kanilang COVID-19 test mula sa Bureau of Quarantine (BOQ) ng Department of Health.
Bagaman 14 na araw lang dapat manatili sa quarantine facilities ang umuwing OFWs, marami ang nagtatagal at inabot na ng higit isang buwan dahil sa paghihintay sa resulta ng kanilang COVID-19 test.
Nitong Lunes, nagbigay umano ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kinauukulang ahensiya na pauwiin na ang nasa 24,000 OFWs na nananatili pa sa mga quarantine facilities sa Metro Manila.—FRJ, GMA News