Nagreklamo ang ilang mga OFW dahil sa pagtaas ng singil sa premium ng PhilHealth na magiging 3 percent. Pero reklamo ng mga tumututol, hindi naman umano nila napakikinabangan ang naturang programang pangkalusugan.
Sa Fact or Fake ni Joseph Morong, makikita ang pagprotesta sa lansangan ng ilan sa mga kababayan sa Hong Kong.
Ayon sa grupo ng mga OFW na UNIFIL-MIGRANTE-HK, hindi simpleng halaga ang mula P10,000 hanggang P20,000 dahil maaari namang ibigay na lamang nila ito sa naghihirap nilang pamilya sa Pilipinas.
Sa ilalim ng Universal Health Care Law, kailangang magbayad ng PhilHealth premium ang mga OFW para sa Overseas Employment Certificate (OEC) na ini-isyu ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), na isang requirement para makapagtrabaho abroad.
Pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Universal Health Care Law noong nakaraang taon na naglalayong gawing miyembro ang lahat ng mga Pilipino sa PhilHealth.
Pagkukuhanan ng PhilHealth ang mga direct contributors nito na empleyado, self-employed, professionals, lifetime members at OFWs.
Paglilinaw sa ulat, hindi lang OFWs ang tataasan ng singil kung hindi ang lahat ng miyembro ng PhilHealth.
Mula 2.75% sa 2019, 3% na ngayon ang magiging kaltas kada buwan para sa PhilHealth, at aabot pa ito sa 5% sa 2025.
Batay sa ginawang halimbawa sa ulat, kung ang isang OFW ay kumikita ng P60,000 bawat buwan, at tatapyasan ito ng 3% para sa PhilHealth, lilitaw na mababawasan ang sahod ng P1,800 bawat buwan bilang kontribusyon.
Pero sa buong taon o 12 buwan, aabot sa P21,600 ang magiging kontribusyon ng OFW.
Paliwanag ng PhilHealth, ang mga OFW at mga dependents nila ang pinakanakikinabang dito.
Ayon kay Retired Brigadier General Ricardo Morales, PhilHealth President and CEO, nakatanggap ang mga OFWs at kanilang dependents sa Pilipinas ng P1.7 billion ng health care benefits. Kumpara ito sa may P1 bilyon na nakolektang kontribusyon mula sa nasabing sektor ng manggagawa sa abroad.
Sinabi naman ni PhilHealth spokesperson Dr. Shirley Domingo na hindi lang mga direct contributors ang sisingilin kundi pati mga indirect contributors.
Sinabi naman ng Malacanang na magiging boluntaryo panamantala ang pagbabayad ng PhilHealth dahil sa COVID-19 crisis.
Panoorin ang buong pagtalakay sa video na ito. --Jamil Santos/FRJ, GMA news