Isang pagsubok para sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang paghahanap ng quarantine facilities para sa mga umuuwing Filipino workers (OFWs) dulot ng COVID-19 crisis. Una rito, sinabi ng pinuno ng National Task Force Against COVID-19 na halos puno ang mga quarantine facility, at tinatayang higit 44,000 OFWs pa ang inaasahang darating ngayong Mayo.

Sa panayam ng "Unang Hirit" nitong Huwebes, hindi itinanggi ni OWWA administrator Hans Leo Cacdac, na isang hamon sa kanila ang paghahanap ng mga tutuluyan ng mga uuwing OFW para sa mandatory 14-days quarantine.

"Ang isang dahilan kung bakit nasuspinde 'yung NAIA (Ninoy Aquino International Airport) operations ay para rin bigyan daan ‘yung pagpapauwi, para magbigay daan ng accommodation sa darating pa,” patungkol ni Cacdac sa pagsuspindi ng mga paparating na flights mula sa ibang bansa.

Bukod sa tutuluyan ng mga OFW, sinabi ni Cacdac na malaking hamon din sa kanila ang paghahanap ng transportasyon at pagsubaybay sa kalusugan ng mga OFW.

Sa isang Facebook post nitong Miyerkules, sinabi ng OWWA na nasa 110 quarantine facilities ang nasa Metro Manila at kalapit na lalawigan, kung saan tumutuloy ang mahigit 9,000 OFWs.

Hanggang nitong April 25, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mahigit 20, 000 OFWs na ang na-repatriate.

Inamin din ng OWWA na may ilang OFWs na naka-quarantine ang magkasama sa isang kuwarto at magkasalo sa kama.

Ang pamahalaan umano ang sumasagot sa gastusin sa tinutuluyan ng mga OFW kapag hindi na ito kayang sagutin pa ng mga recruitment agency.

Nitong Miyerkules, sinabi ni National Task Force Against COVID-19 head Carlito Galvez Jr., na halos puno na ang quarantine facilities para sa mga umuuwing OFWs na tinatayang nasa 23,480.

Ngayon buwan ng Mayo, inaasahan umano na mahigit 44,000 OFWs pa ang darating mula sa iba't ibang bansa na apektado rin ang ekonomiya dulot ng COVID-19 crisis.--FRJ, GMA News