Boluntaryo at hindi na itatakda sa mga overseas Filipino worker (OFW) ang pagbabayad ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), ayon sa Malacañang nitong Lunes.
Batay umano sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque, na hindi na itatakda sa mga OFW na magbayad ng PhilHealth premium para makakuha ng overseas employment certificate.
Idinagdag ni Roque na pinasuspindi na rin ni Health Secretary Francisco Duque III ang probisyon sa implementing rules and regulations (IRR) na nagtatakda na itaas ang premium payment sa Philhealth ng mga OFW.
“Sa ngayon po, habang meron tayong krisis, ang naging desisyon ng Presidente, huwag na muna tayong magpataw ng karagdagang pahirap sa ating mga OFW, lalong lalo na sa panahon na napakadami sa kanila ang nare-repatriate at nawalan na rin ng trabaho,” ani Roque.
“Whether or not tataas po ‘yan, well, realidad po na ang isang insurance system ay kinakailangan naka-base sa actuarial science,” dagdag niya.
Una rito, naglabas kamakailan ng circular ang PhilHealth na nagtataas ng tatlong porsiyento sa premium payment ng OFWs na ang buwanang kita ay nasa P10,000 hanggang P60,000 simula ngayong taon.
Ang kautusan ay alinsunod umano sa Universal Health Care Law (Republic Act 11223), na nilagdaan ni Duterte nitong nakaraang taon.
Isang online petition sa Change.org ang inilunsad para ibasura ang naturang pagtataas ng premuim sa mga OFW dahil na rin sa krisis na idinulot ng COVID-19 pandemic.
Pero ayon sa PhilHealth, ang Kongreso ang may kapangyarihan na suriin ang nilalaman ng naturang batas.
Ayon kay Roque, bagaman siya ang may-akda ng panukala sa Kamara de Representantes noong party-list lawmaker siya, iginiit niya na wala sa kaniyang panukala ang pagtataas sa premium ng mga OFW.--FRJ, GMA News