Patuloy ang pag-uwi sa Pilipinas ng mga Pilipinong naapektuhan ang trabaho sa mga bansang nakararanas din ng krisis dahil sa COVID-19 pandemic. Bukod sa mga nanggaling sa Singapore, Algeria, Japan, Germany, at France, may paparating pa mula naman sa Malaysia.
Sa ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Martes, sinabing 132 overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Singapore at 121 mula sa Algeria ang dumating sa bansa nitong Lunes.
Dumating din nitong Lunes ng hapon ang apat na overseas Filipinos mula sa Japan, siyam na seafarers ng MS Amera atMS Albatros mula sa Germany, at 36 seafarer ng Celebrity Apex cruise ship mula naman sa France.
Sumailalim umano ang mga umuwing Pinoy sa medical assessments at rapid testing, at sasailalim din sa mandatory quarantine.
Sa isang Twitter post naman ng DFA nitong Martes, sinabing 183 stranded OFs at OFWs mula sa Malaysia ang darating din sa bansa ngayong hapon.
LOOK: The DFA, through the PH Embassy in Kuala Lumpur, chartered a special PAL flight to bring home 183 stranded OFs and OFWs from Malaysia. The plane is about to take off and is expected to arrive in Manila later this afternoon.@teddyboylocsin #DFAinACTION#WeHealAsOne pic.twitter.com/0Kwmrue2jH
— DFA Philippines (@DFAPHL) April 28, 2020
Nitong Lunes, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra, na umabot na sa 16,744 OFWs ang bumalik sa Pilipinas, at 851 ang umalis mula Abril 1 hanggang 20.
Batay pa sa datos ay mula umano sa Bureau of Immigration, sinabi ni Guevarra na ang mga Pilipino na hindi OFW na bumalik sa Pilipinas ay 27,062, at 4,164 naman ang umalis.
Mayroon din umanong 914 na dayuhan ang dumating sa bansa sa nabanggit na panahon.--FRJ, GMA News