Kabilang ang isang Pinoy seafarer sa 10 katao na sakay ng isang cruise ship na nagpositibo sa novel coronavirus sa Japan.

Sa ulat ng Reuters, wala umanong nagpakita ng matinding sintomas ng sakit ang 10 pasyente na kinabibilangan din ng tatlong Japanese, tatlong mula sa Hong Kong, dalawang Australian, at isang Amerikano.

Naka-quarantine naman ng dalawang linggo sa Carnival's Diamond Princess cruise ship na nakadaong sa Yokohama, Japan ang 3,700 na sakay nito.

Dinala naman sa ospital ang 10 positibo sa virus.

"I want to take sufficient care of the health of passengers and crew and make every effort to prevent the spread of the virus," ayon kay Japan Health Minister Katsunobu Kato.

Dumating sa Japan ang cruise ship para sana sa walong araw na pamamasyal.

Sinuri ang mga sakay ng cruise ship matapos magpositibo sa nCoV ang 80-anyos na lalaki na sakay nito na nagmula sa Hong Kong.  Bumaba ng Kagoshima sa Japan ang lalaki noong Enero 22, at sumama sa bus tour.

Patuloy umano susubaybayan ng Japan ang lagay ng kalusugan ng mga sakay ng cruise ship. —Reuters