Apat na Pinoy ang sugatan habang dalawa naman ang hinahanap pa ng mga awtoridad matapos bumagsak ang isang tulay sa Yilan county sa Taiwan nitong Martes ng umaga.
Ayon sa panayam ni Orly Trinidad ng Super Radyo dzBB kay Lito Banayo ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taipei, maaaring dala ng malakas na hangin at pag-ulan dahil sa Typhoon Mitag ang pagbagsak ng Nanfangao Bridge bandang 9:30 ng umaga.
Nakalabas na raw ang tatlong Pinoy na naospital dahil minor injuries lamang ang kanilang natamo ayon kay Banayo. Samantala, naiwan sa operating room ang isang Pilipino dahil sa hindi pa nalalaman na rason.
“Meron namang dalawa pa na hinahanap. Hindi sigurado sila sa dalawang ito kung ano ang nangyari kasi meron pang ni-re-rescue sa mga fishing vessel na tinamaan nung pagbagsak ng tulay,” dagdag ni Banayo.
Ayon sa ulat ng Reuters, nahulog ang isang oil tanker sa mga bangkang nasa ilalim nito matapos gumiba ang tulay. Pinaniniwalaang anim na tao ang na-trap sa isa sa mga bangka, habang lima naman ang hinihinalang nasa tulay nang mag-collapse ito.
Ayon sa MECO, posibleng nagtatrabaho sa mga naipit na fishing vessel ang dalawang nawawalang Pinoy.
“Malakas na malakas [ang hangin] kagabi. Pero ‘yung Yilan ang talagang tinamaan ng bagyo, direct hit. Ngayong umaga na, saka lang bumagsak ‘yung tulay,” sabi ni Banayo.
“Normally, maganda naman ang infrastructure construction dito. Wala naman lindol kagabi, sadyang sobrang lakas ng hangin at sobrang lakas ng ulan kagabi bandang mga 10:30 ng gabi hanggang 2 ng madaling araw,” dagdag niya.
Handa raw mag-abot ng kahit anong tulong ang MECO sa mga Pilipinong naapektuhan ng pagbagsak ng tulay. — Julia Mari Ornedo/RSJ, GMA News