Pera na, naging bato pa.
Ganito ang sinapit ng mga Pilipino turista na gumastos ng P1 milyon sa Beijing, China matapos silang hikayatin ng mga Tsino na bumili ng murang alahas na peke pala.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa “24 Oras” nitong Huwebes, bumili ang mga Pilipino ng maraming alahas sa mga tindahan na kasama sa kanilang tour package dahil bagsak presyo ito at may nakalakip na “certificate of precious stone identification.”
Ngunit nang ipa-check nila ito pag-uwi ng Pilipinas, napag-alaman nilang gawa pala sa puwet ng baso ang mga alahas na ito at peke rin ang kalakip na “authenticity card.”
"Orchestrated lahat ng drama nila, ang galing-galing umarte! Parang nasa isang palabas ka. Even 'yung facial expression, mga mata, acting na nabigla, bakit ganoon kababa ang presyo na binigay ng boss nila. Palakpakan! Ang galing, promise!,” sabi ng isa sa mga biktima.
Hindi naman magsasampa ng reklamo ang mga turistang nabiktima ng mga Tsino laban sa travel agency at sa dayuhang tour guide nila roon dahil gusto lang raw nilang maging aral ito sa ibang Pilipinong turista.
Hiniling rin nila na sana mas maging detalyado ang ibibigay na paalala ng mga travel agency at tour guide para lubos na maunawaan ng ating mga kababayan.
"May penalty 'pag 'di ka papasok [sa tindahan na kasama sa tour package] so, dapat pumunta ka, pero 'wag ka bibili. Be cautious sa bibilhin ninyo, hindi lahat doon totoo,” dagdag pa ng isang biktima.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nabiktima ang mga Pinoy na turista sa mga pekeng alahas na binebenta ng mga Tsino.
Nangyari rin ito noong May 2017 kung saan lalaki ang nabiktima at nalaman na lamang niyang peke ito nang i-check niya ang nabili niya sa internet.
“Nu'ng papunta na kami sa airport, eh masayang-masaya na kami, nakamura eh pero noong ma-search sa internet, doon na namin nalaman na marami na palang ganoong pangyayari, hindi pala kami ang una,” sabi ng lalaking biktima.
Hindi na nabawi ng mga biktima noong May 2017 ang kanilang pera. —Llanesca Panti/ LDF, GMA News