Inilunsad nitong Martes ng Overseas Welfare Administration (OWWA) ang bagong identification card para sa mga overseas Filipino worker na kapalit ng I-DOLE OFW I.D.
Ang OFW e-Card ang magsisilbi umanong membership at OEC (Overseas Employment Certificate) ng mga OFW. Ang OEC ang isa sa mga dokumentong kailangan ng mga Filipino na nais magtrabaho sa ibang bansa.
"The OWWA is the only agency under the Department of Labor and Employment that has a legal mandate to provide an e-card for OFWs. Through this OFW e-Card, member OFWs will have easier access to our programs and services," sabi ni OWWA Administrator Hans Cacda.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello, mas magiging mabilis at madali na makakakuha ng serbisyo at programa ng OWWA ang mga OFW na may e-Card.
Idinagdag ni Bello na hindi rin sisingilin ng airport fees ang mga OFW na may e-Card.
"Kasi hindi ka made-deploy kung wala 'yung OEC mo. Pag pakita mo 'yan, you can be allowed to go out already and you will not be charged nung terminal fee at no travel tax," paliwanag ng kalihim.
Umaasa naman si Manilyn Romero Mendoza, isa sa mga nakakuha ng OFW e-Card, na magamit sana nila ang ID sa hinaharap na pansamantalang pasaporte kapag hindi nila nakuha ang kanilang passport na karaniwang itinatago ng kanilang mga amo.
"Sana po magamit din ito na parang passport,kasi po 'yung amo ko tinatago ang passport ko," saad niya.
Makukuha ng mga OFW ang bagong OFW e-Card nang libre, pati na ang mga "balik manggagawa" na may aktibong OWWA membership, valid OEC or Exemption number, at valid passport.
Pinapayuhan ang mga OWWA member na bisitahin ang website ng ahensiya kung papaano makukuha ang kanilang OFW e-Card. — FRJ, GMA News