Patok sa 1st Asian Street Food Festival sa Lisbon, Portugal ang mga kilalang street food sa Pilipinas gaya ng kwek-kwek, bola-bola, barbecue at iba pa, ayon sa pahayag ng Department of Foreign Affairs.

 

(Lisbon PE/DFA photo)

Ginanap ang naturang food festival noong nakaraang linggo sa Museu Fundaçao Oriente sa Lisbon kung saan matitikman ang iba't ibang pagkain mula sa Asya.

Ayon sa pahayag, pinilahan ng “Lisboetas” ang booth ng Pilipinas na nais matikman ang mga pagkaing Pinoy.

Ang naturang Asian street food festival ay bahagi umano ng selebrasyon ng ika-30 anibersaryo ng museum.

“We presented the concept of an Asian Street Food Festival to the Museum’s management with the aim of introducing in Lisbon the rich and varied street food fare from the Philippines and other parts of Asia,” sabi sa pahayag ni Ambassador Celia Anna Feria.

Idinagdag ni Feria, na ginamit ng embahada ang mga Filipino ingredients na makikita sa Lisbon para maipresenta sa mga tumangkilik ang tunay na lasa ng mga pagkaing Pinoy.

“The street food festival provided the avenue to introduce, and raise the awareness of, the Filipino food culture,” sabi ng opisyal. -- FRJ, GMA News