Isa na namang overseas Filipino worker (OFW) sa Middle East ang humingi ng tulong para masagip matapos siyang ikandado umano sa bodega ng kaniyang amo sa Saudi Arabia at hindi pinapakain nang maayos.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, ipinakita ang video na ginawa ni Edrelyn Cauntoy para makahingi siya ng tulong.

"Sana po matulungan n'yo po akong makauwi na, kasi po hindi ko na kaya dito. Ayoko nang magtiis dito, gusto ko na po talagang umuwi," saad ng OFW na nasa Jeddah.

Ayon kay Cauntoy, ikandado siya sa bodega ng kaniyang amo dahil paso na ang Saudi Arabia Identity Card.

Sa bodega, kung hindi raw noodles, panis ang ipinapakain sa kaniya ng amo.

"Sabi ko sa kaniya 'di po ako kakain kasi po may amoy na, tapos panis pa po," kuwento pa ni Cauntoy na naapektuhan na ang kalusugan dahil sa kawalan ng maayos na pagkain.

"Humihingi po ako ng kanin sa kanila ayaw po akong bigyan. Hilong hilo na rin po ako. Masama na po 'yung pakiramdam ko," pahayag niya.

Napag-alaman na nakipagsapalaran sa Saudi Arabia si Cauntoy para maipaayos ang kanilang bahay at matustusan ang pag-aaral ng kaniyang mga kapatid.

Kaagad na humingi ng tulong sa mga awtoridad ang kaniyang mga kaanak nang malaman ang kaniyang kalagayan.

Nitong Miyerkoles ng hapon, nakipag-ugnayan na umano sa pamilya ng OFW ang OWWA-Bacolod, para ipaalam sa kanila na nasagip na si Cauntoy sa tulong ng kaniyang agency at embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia.

Inaasikaso na rin umano ang kaniyang exit visa at iba pang dokumento para makauwi na siya sa Pilipinas.-- FRJ, GMA News